Ilang beses ko na ring sinubukan at ilang tao na rin ang nagtangkang pumasok sa buhay ko mula nung ako ay naging single. Pero tila napakailap sa akin ng pagkakataon at walang nagtatagumpay. Natanong ko tuloy ang sarili ko:
'Mailap ba talaga ang pagkakataon, o sadyang choosy lang ako?'
Minsang kumakain kami ng aking mga kaibigan ay napagsabihan nila ako na ayusin ko raw ang aking buhay. Makipagdate daw ako. Magkagusto naman daw ako sa ibang tao. Subukan ko muling makipag-attach at magsimula ng relasyon. Sinabi ko sa kanilang sinusubukan ko naman. Kung tutuusin e ginagawa ko na nga, pero sadyang wala parin talaga. Ayaw nila maniwala.
Di lamang isa or dalawa ang sinubukan ko ng i-date. Nag-eenjoy naman ako sa tuwing kasama ko sila. Pero bakit sa tuwing lumalalim na ang pakiramdam ng aking kasama e nawawalan ako ng gana bigla. Hindi ko tuloy maintindihan ang sarili ko. Gusto ko na rin namang magkarelasyon muli pero sa tuwing sinusubukan ko ay palagi na lamang nagiging bigo. Ang ending, nakakapanakit na ako ng damdamin ng iba ng hindi ko sinasadya.
Marahil ay may hinahanap ako. Hindi ko lang alam kung ano. Pero kung magbabalik tanaw ako sa mga nakaraan kong relasyon (mapalalake man o babae), iisa ang bagay na may pagkakatulad sila. Iyon siguro ang hinahanap ko.
Dahil dito, masasabi kong posible nga talagang magpahinga muna ang puso. Posibleng matulog muli ito ng matagal na panahon hanggang dumating muli ang isang taong gigising nito. Na mayroong mga pagkakataong kahit sabihin mo sa sarili mong ayos naman ang ka-date mo. Kahit tipong wala kang maipintas at halos perpekto na siya at alam na alam mong busilak ang hangarin niyang mahalin ka. Kahit ipagsigawan ng utak mo na ayos naman siya, kapag sinabi ng puso mong 'wala pa, di pa ako handa, di pa ako gumagana' e wala kang magagawa kundi huminto muna.
*******************************************************************************
Baliktanaw.
Kakaibang lukso ng damdamin sa unang pagkikita pa lamang. Iyong tipong magtutugma ang utak at puso mo at sasabihin sa akin na 'magiging parte ito ng buhay ko'. Iyon ang pagkakaparehas nilang lahat. Iyon marahil ang inaantay ko sa ngayon.