(Ang lathang ito ay sinulat ko noong Pebrero2014)
Bata pa lang ako ng basahin ang kapalaran ko ng kapitbahay naming manghuhula. Batid niya na mapalad raw ako sapagkat hugis diyamante ang nakikita niya sa aking palad. Maganda raw ang hinaharap ko, subalit ang tanging habilin niya ay matutunan kong kontrolin ang aking emosyon. Partikular niyang tinukoy ang Galit at Poot na sadyang masama para sa akin. Maaari raw akong makagawa ng di kanaisnais na bagay.
Nakapagtapos ako ng kolehiyo. Ilang araw pa lamang matapos ang board exams namin ay nakahanap na ako ng trabaho. Guminhawa ang buhay namin noon dahil narin sa laki ng sinasahod ko. Dito ko nakilala ang unang lalaking naging parte ng buhay ko. Kilala ako ng pamilya niya. Madalas nga ay doon na ako umuuwi sa kanila at naiiwanan kong magisa ang aking nanay sa bahay. Ngunit tulad ng nakararami sa mga relasyon, ang aming kuwento ay naputol. Tatlong taon ako noon sa kompanyang unang bumuhay sa akin. Tatlong taon rin kami ng unang lalaki sa buhay ko.
Inudyok ako ng aking matalik na babaeng kaibigan na magbalik loob sa propesyon ko. Tinulungan niya akong makapagtraining sa ospital. Bilang matalik na kaibigan mula noong hayskul, pinangakuan ako ng kaniyang ama na tutulungang makapag-nars. Makalipas ang mahigit walong buwang walang trabaho, nakapasok ako sa isa sa mga pampublikong ospital sa siyudad. Ang sahod, 'di man kasing taas ng sa nauna kong trabaho, pero mapagtitiyagaan na.
Sa panahong ito ko nakilala ang pangalawang lalakeng naging parte ng buhay ko. Nagkakilala kami sa isang sikat na online website para sa mga tulad ko. Nagpangakuan na di kailanman maghihiwalay. Nagsimulang magplano para sa aming kinabukasan. Ngunit nagising na lamang ako isang araw na may kaulayaw na siyang iba. Ipinaglaban ko ang aming relasyon ngunit ako rin ang napagod ng 'di ko maintindihan ang takbo ng utak niya. Mahal niya raw ako ngunit di niya maiwan ang bago niya. Ako na mismo ang lumayo at nagparaya.
Pinilit kong ayusin ang buhay ko ng nawala siya. Aaminin kong isa akong hamak na basahan na walang pakinabang nung ako'y kaniyang iniwan. Walang direksyon, walang patutunguhan. Sa tulong ng aking mga kaibigan ay napagdesisyunan kong mangibang bayan. Tutal, sobra sobra pa ang experience ko sa kinakailangan ng mga employer kaya kumpyansa akong matatanggap. Sabi ko nga, kung noong 2012 at 2013 ay naging napakagulo ng aking buhay, ngayong 2014 ay magbabago ang lahat.
Enero ng taong ito, naglakas loob ako na magpasuri. Uunahan ko na ang embassy at aalamin kung ayos ang aking pangangatawan. Ikatlong linggo ng Enero, bandang alas-nuebe ng gabi, matapos ang mahigit tatlumpung minutong pagantay ay nalaman ko ang resulta na babago na naman sa aking buhay.
Reactive.
Hindi ako umiyak. Bagkus, sigarilyo ang una kong hinanap. Putragis na yan. Reactive ako. At ayon sa statistics ay lahat ng reactive ay positive. Kinlaro ko ito sa kausap kong doktor. Ang tanging tugon niya sa akin ay
'parehas tayong asa linya ng healthcare, di na ako magsisinungaling. ayokong magbigay ng false hopes pero kapag reactive, ibig sabihin na rin ay positive'
Ngayon, ang tanong ko ay bakit ganoon? Kung kailan inaayos ko na ang buhay ko. Kung kailan umasa akong magiging iba ang 2014. Bakit sa unang buwan pa lamang ay ganito na ang balita. Asan na ang hula na maswerte raw ako. Naglaho na lamang ba bigla?